Archive for January, 2008

Kung Minsan, ang Diplomasya ay may hangganan din..

Posted in mUST care! on January 6, 2008 by Reyner Aaron Villasenor

Ang bawat adhikain na ating nais ipatupad o gawin ay laging mahirap at tila imposible. Lahat tayo ay napapaisip, kadalasan ay nalulungkot at nasisiphayo sa maaring kalabasan ng ating paghihirap. Ngunit kung ating titingnan, kapag ang isang proyekto o adhikain ay mga mag-aaral ang nagsimula, malabong sila rin mismo ang unang mawalan ng puso para dito. Kung sila lamang ang masusunod, lahat ng nais nilang gawin o ipatupad ay pipiliting mangyari at maisakatuparan sapagkat sa tingin nila, ito ang makakabuti sa kapwa nila mag -aaral.

Hindi bulag, pipi, at bingi ang mga mag-aaral. At mas lalong hindi tanga at bobo ang mga ito. Marahil, ang mga ngiti, tawa, lambing, at kwento ng mga lider estudyante tuwing kanilang nakakadaupang palad ang mga opisyal ay tinitingnan bilang lantarang pagsunod at pagiging aliping sagigilid. Alipin ng isang sistema at dikta ng lipunang kanilang ginagalawan. Tinuturuan tayo ng tamang pagkilos at pagdala ng ating mga sarili upang tayo ay mabigyan ng maayos ng pagkatao. Tinuturuan din tayo na ayusin ang mga gusot, gulo, problema, at hindi pagkakaintindihan sa maayos na paraan. Tinuturuan din tayo ng kaugaliang pag-iintay sa tamang panahon, pagtahimik sa diskusyon, at magpanggap na lahat ay nasa tamang ayos kahit mali na ito. – DIPLOMASYA!

Ang paghubog sa bawat tao ay nagsisimula sa kanilang mga magulang, sa kanilang pamilya. Ang dapat ginagawa ng paaralan ay pagtibayin ang paghubog na ginawa ng magulang at pamilya. Hindi dapat ito baguhin kundi ipagpatuloy at pagtibayin. Tayo ay nasa paaralan para matuto, para maging handa sa trabaho at realidad ng tao. Tayo ay pinag-aaral ng ating mga magulang upang tayo ay hindi mahirapan kapag panahon na natin at para din siguro maitama ang hindi nila nagawa. Ngunit, bakit kaya kung minsan nananaginip ang ilan na ang paaralan ang bubuo sa pagkatao ng isang mag-aaral. Bago tayo naging mag-aaral, tayo ay tao na. Bago tayo pumasok sa unang baitang, tayo ay may identidad na bilang tao, at Pilipino. Tunay na marami tayong matututunan sa pag-aaral. Maraming mga teorya, leksyon, pag-aaral, at mga bagay na malalaman. Sa kabilang aspeto naman, marami din tayo matutunan sa araw-araw nating pakikisalamuha sa mga propesor, kapwa mag-aaral, at opisyal. Nakakatawa na makikita natin ang realidad ng buhay dito. Kung sa usapang Agham Pampulitika, ito ang “power struggle,” at sa usapang Agham at Sosyolohiya, ito ang “Survival of the Fittest.”

Nang pumasok tayo sa paaralan, hindi natin isinuko ang ating mga karapatang pantao ngunit nagbigay lamang tayo ng permiso na susunod tayo sa mga patakaran na DAPAT ay makakabuti sa atin bilang tao at mag-aaral. Maari itong masabing kontrata ngunit hindi ito DAPAT magamit na armas para makitil ang karapatang pantao at pang mag-aaral. Mag-Aaral muna hindi mamaya na! – Ito dapat ang pundasyon ng bawat paaralan sa bansa. Lahat dapat ng bagay ay tungkol, para sa, at inilalaan sa ikabubuti ng mag-aaral. Uulitin ko, malalaki na ang mga mag-aaral, nasa tama na silang pag-iisip, bumubuto na ang ilan, at hindi sila tanga! Hindi kami bobo para may mga tao pa na magdedesisyon para sa amin. Tunay na kailangan ng isang sistema para sa pagpapatakbo na isang corporasyon, kumpanya, at paaralan. Subalit nais ko lamang sabihin ay ito dapat ay maging isang sistema ng inklusyon at HINDI EKSKLUSYON. Marami tayong naririnig na mga salitang, “The University’s major stakeholders are the students.” – ngunit tinatrato ba ang mga mag-aaral bilang stakeholders? Ilang mga komite na nagdedesisyon sa mga bagay na direktang at indirektang nakakaapekto sa atin ang hindi kasama ang mag-aaral? Meron tayong mga konseho sa bawat kolehiyo ngunit nagagawa ba nila ang nais nilang gawin para sa mag-aaral? Malaya ba nilang naisasakatuparan ang mga adhikain nila? Tunay nga bang para sa mag-aaral ang paaralan?

Mula pa ng unang taon ko sa kolehiyo at ngaun na magtatapos na ako, nandyan na talaga ang MAGNA CARTA OF STUDENTS RIGHTS a.k.a Students’ Code! Ngunit mula pa ng nabuo ang paaralan, halos 400 na taon na ang nakalipas, nandyan na talaga ang karapatang mag-aaral. At kahit ibalik pa natin sa mas malayong panahon, nandyan na talaga ang KARAPATANG PANTAO, it is our God-given right! Kung ayaw mo sumuporta sa adhikaing STUDENTS CODE, huwag mu pigilan at putulin ang proseso. Kung hindi ka naniniwala sa pinaglalaban naming mga mag-aaral, huwag mu sanang ikompromiso ang aming respeto. Hindi kami BULAG para hindi makita ang maling sistema na meron. Hindi kami PIPI para hindi makapagsalita at ipahiwatig ang aming pakasuya at puot na nadarama sa pagtrato sa amin, at hindi rin kami BINGI para hindi marinig ang silakbo ng damdamin ng aming kapwa mag-aaral para sa pagbabago at reporma! Isa akong tao na naniniwala sa ispirito ng pag-uusap. Ngunit kung ang mismong karapatan namin na kumausap at maipahiwatig ang aming nadarama ay haharangin, kikitilin, at ipagbabawal, ito na ang katapusan ng maayos na pagsasamahan! Ika nga sa ingles, “RESPECT BEGETS RESPECT.” Ang ilang mag-aaral, ibagsak mo, magsusummer yan! Ipahiya mo, tatahimik lang, Pagalitan mo, tatango lang. Utusan mo, susunod yan. NGUNIT, ang isiping sila ay tila BULAG, PIPI, at BINGI, at akalaing sila ay BOBO at TANGA upang hindi makita ang mga mali ay isang KALIBANGAN!

Meron pa tayong 3 buwan sa Academic year na ito. Kami sampu ng mga lider estudyante ay hindi titigil para sa STUDENTS CODE. Maaring ang ilan ang nawalan na ng puso at sumuko, maaring ang ilan ay hindi naniniwala, at maari din na ang ilan ay hindi sumuporta; ngunit HUWAG sana ipilit ng mga taong ito ang kanilang paniniwala sa iba! HUWAG sana pigilin, kitilin, ang iligaw-ligaw ang mga sistema para dito!

At para sa mga kapwa ko mag-aaral, ang STUDENTS CODE ay hindi isang bagay na ibibigay na parang kendi. Ito ay dapat ipaglaban, akinin, at pag-usapan sapagkat ito ay karapatan natin!, para sa atin!.. tunay na sa atin!! Kukunin ng mga lider estudyante ang kanilang lakas sa kapwa nila mag-aaral. 37, 450 tayo. Kung sama-sama ang ating tinig, kung sabay-sabay ang ating kilos, at kung tulong-tulong tayo, hindi malayong maisasakatuparan natin ang adhikain ito. ISULONG ang STUDENTS CODE…Ipaglaban! Akinin! Pag-Usapan!Ito lamang ang tanging paraan para ito ay maisakatuparan sapagkat KUNG MINSAN, ANG DIPLOMASYA AY MAY HANGGANAN DIN!